Ebanghelyo: Lucas 19:41-44
Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
Pagninilay
May isang Simbahan sa Holy Land, Israel na ang tawag ay “Dominus Flevit,” (ang kahulugan ay “Ang Panginoon ay tumangis”). May dalawang pagkakataon lamang ipinakita sa ebanghelyo na si Jesus ay umiyak. Ang una ay sa pagkamatay ni Lazaro na kanyang kaibigan; at ang ikalawa ay nang makita niya ang Lungsod ng Jerusalem. Sang-ayon sa tradisyon, sa pook na pinagtatayuan ng nasabing Simbahan tumangis si Jesus dahil batid niya ang napipintong pagkawasak ng Banal na Lungsod. Habag at pagmamahal ang dahilan ng kanyang pagtangis. Subalit may kahalong panghihinayang ang pagtangis niya para lungsod ng Jerusalem. Aniya: “Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon, ni ang pagdalaw, ng iyong Diyos.” Sa ating panahon, ang lahat ng lugar at oras ay okasyon ng pagdalaw ng Diyos. “We do not find God in a specific place because God can be found in every place.” Pagyamanin natin mga oportunidad na ibinibigay ng bawat araw. Nawa’y hindi tumangis si Jesus sa panghihinayang dahil hindi natin tinugon ang panawagan sa patuloy na pagpapanibago.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





