Ebanghelyo: Mt 18: 15-20
Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
Pagninilay
Isa sa mga pangunahing ideya o tema ng turo ni Jesus sa mga alagad ay ang kahalagahan ng pagpapatawad. Ibinunyag ni Jesus sa Kanyang Salita at mga gawaing pagliligtas (salvific deeds) na ang Diyos ay nagpapatawad ng kasalanan ng tao. Bilang Kanyang mga ampon na anak sa pamamagitan ni Kristo, tayo rin ay tinatawag na magpatawad hindi lamang ng ating kapwa, pati na rin ng ating sarili. Dahil hindi perpekto ang tao, tayo ay nagkakasala at nakapagdudulot ng sakit sa kapwa sa pamamagitan ng ating mga salita, mga nagawa o hindi nagawa, at ng ating mga emosyon na kung minsan ay hindi natin nahahawakan ng tama. Dahil sa ating kahinaan, tayo ay nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos at ng ating kapwa. Tayo rin ay kinakailangang magpatawad ng mga taong nakakapagbigay sa atin ng problema o sama ng loob. Kung hindi tayo magpapatawad, tayo ang unang biktima na galit, poot, at negatibong pag-iisip at damdamin na nagdudulot sa ating puso at isipan ng kawalan ng kapayapaan at katahimikan. Kung ang puso at isip natin ay patuloy na magiging sarado sa pagpapatawad, hindi imposible na tayo ay magkakasakit at mananatiling alipin ng ating negatibong emosyon at pusong bato.
© Copyright Bible Diary 2024