Ebanghelyo: Mateo 23:13-22
Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok.
Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagkapaniwala Niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo.
Kawawa kayong mga bulag na taga-akay! Sinasabi ninyong ‘Walang bisa kung sa Templo nanunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.’ Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa altar manunumpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa rito at sa Diyos na naninirahan sa Templo.
Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
Pagninilay
Si Santa Rosa de Lima ay ang kauna-unahang santa ng America. Sa murang edad ay nakita niya ang kahalagahan ng matibay na ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi siya pinayagan ng kaniyang mga magulang sapagkat siya ay bata pa lamang. Sa kabila nito, siya ay namuhay ng mapayapa sa buhay panalangin. Tumutulong siya sa kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pananahi at pagtitinda ng mga rosas na kaniyang tinanim. Namuhay siya sa pananalangin, pagtatanim ng rosas, pananahi at pag-iisa. Sa kaniyang piniling buhay, marami ang hindi nakaintindi sa kaniya. Ngunit, hindi ito naging hadlang sa kaniyang pananampalataya. Noong siya ay nasa hustong gulang na, saka siya pinayagang maging isang madre. Doon pa niya lalo pina-igting ang kaniyang buhay pananalangin habang ang kanilang lumang bahay ay ginawa niyang lugar para alagaan ang mga bata at matatanda. Kay Santa Rosa de Lima nawa ay ating matularan ang maalab na puso sa pananalangin, pagmamalasakit sa kapwa at matibay na ugnayan sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021