Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi Niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao – mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan.
Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’
Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan Niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’
Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Isang relasyon o ugnayan ang panalangin. Isa itong pakikipagtagpo. Sa tuwing tayo’y nagdarasal, kinikilala natin ang Diyos at kinikilala rin natin kung sino tayo sa harapan ng Diyos. Samakatuwid, pagkilala at pagtanggap ito sa ating mga kasalanan. Sa oras na inangkin natin ang ating pagiging makasalanan, nagiging bukas tayo sa grasya ng Panginoon, sa biyaya ng kanyang habag at awa, pagmamahal at pagpapatawad. Paano tayo humaharap sa Panginoon sa ating mga pagdarasal? Katulad din ba tayo ng Pariseo sa ebanghelyo na nagbibilang ng mga nagawang kabutihan upang patunayang siya’y karapat-dapat? O buong kapakumbabaang inaamin natin ang mga pagkukulang natin gaya ng publikano? Batid natin kung sino ang tunay na kinalugdan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021