Ebanghelyo: Juan 16:29-33
Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.”
Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya – at iiwan n’yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama.
Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”
Pagninilay
Ang binyag ni Juan ay binyag ng pagsisi; ang binyag sa ngalan ni Jesus ay binyag sa Espiritu Santo. (Gawa 19:4-6)
Marami pa ring Katoliko ang hindi nakakakilala sa Espiritu Santo. Kung kilala nama’y kulang ang pag-papahalaga sa kaloob at presensya ng Ikatlong Persona ng Santisima Trinidad. Tulad sa Diyos Ama at Diyos Anak, tayo ay inanyayahang maging bukas sa pagpapalalim ng relasyon sa Kanya. Sumaatin ang Espiritu Santo mula sa araw ng ating binyag. Kasama ni Jesus at ng Ama, nana-nahan sila sa ating pagkatao. Kaya nasabi ni Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon, “Iiwan n’yo akong mag-isa ngunit hindi ako nag-iisa.” Juan 16:32
Ang bawat binyagan ay hindi kai-lanman nag-iisa. Ang nananahang Santatlo ay laging kasama natin. Ito ang dahilan ng kabanalan ng mga santo tulad nina Santa Teresita at Santa Isabel de la Trinidad. Walang saglit na hindi nila kaisa ang presen-sya ng Diyos. Hindi nawawaglit sa kanilang kamulatan na nakabantay ang Diyos, hindi para hanapan tayo ng pagkakamali kundi para tayo ay gabayan at alalayan. Ibang-iba ang magiging takbo ng ating buhay kung ang ating isip at damdamin ay babad sa presensya ng Banal na Santatlo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022