Ebanghelyo: Lucas 14:15-24
Nang marinig ito ng isa sa mga kasalo, sinabi niya kay Jesus: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga bale-wala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa’.”
Pagninilay
“Maging handa sa pag-aalay para sa kapwa.” “Mapalad ang makakasalo sa
hapag ng kaharian ng Diyos!” Bilang mga Kristiyano, isang malaking biyaya mula sa Panginoong Jesucristo ang Banal na Eukaristiya. Sa pamamagitan ng pagsasalo sa Banal na Eukaristiya, nakikibahagi tayo sa Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Jesucristo. Bilang binyagang Katoliko ito ay hindi lamang pagtanggap sa katawan at dugo ni Jesus, kundi ito rin ay bahagi ng ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan. Sa Banal na Eukaristiya, tinuturo sa atin na maging kaisa ng paghahati-hati ni Jesus ng Kanyang katawan at dugo, ang maghanda din ng isang hapag ng ating sarili para sa iba. Inaanyayahan tayo na maging handa sa pag-aalay para sa kapwa, sa pamamagitan ng paglilingkod lalo na sa higit na nangangailangan. Sa ganitong paraan, nagkakaroon tayo ng upuan para makibahagi sa banal na hapag ng kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





