Ebanghelyo: Marcos 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
Pagninilay
Hindi pa ba sapat ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa ni Jesus? Katatapos lamang nyang pakainin ang libong tao gayundin ang pagpapagaling ng mga maysakit subalit tila yata hindi ito binigyang pansin ng mga Pariseo. Mga mahihirap at simpleng tao ang nakasaksi nito. Hindi man sila ang mismong pinagaling at pinakain, subalit kung malapit ang puso nila sa mga mahihirap, mamangha at maniniwala rin sana sila. Hindi ba’t hangad nila ang kanilang kabutihan at kagalingan? Hindi man makalangit na tanda ang ating makita ngunit sapat na sigurong dahilan ang mabatid natin ang awa at habag ni Jesus sa kapuwa nating nangangailangan. Sa tuwing naghahari ang pag-ibig, naroroon ang tunay na tanda.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021