Ebanghelyo: Lucas 5:27-32
Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya.
Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalikloob.”
Pagninilay
“Sumunod sa akin.” Nang marinig ito ni Levi na isang kolektor ng buwis, agad na tumindig at sumunod siya kay Jesus. Walang pagaalinlangan niyang iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus. Ang pagiwan sa lahat at ang agarang pagsunod kay Jesus ay nagpapakita ng pagkilala niya kung sino si Jesus. Nagpapakita ito ng kanyang pananalig kay Jesus na siyang magbibigay kaligtasan mula sa kanyang dating buhay, isang makasalanang buhay bilang kolektor ng buwis sa paningin ng komunidad. Nakisalo si Jesus sa mga itinuturing na makasalanan. Isa itong eskandalo para sa mga Pariseo at mga guro ng batas. Ngunit ito’y naging daan ni Jesus upang ipakita ang kanyang pakay sa pagdating sa sanlibutan, ang hanapin ang nawawalang nilalang ng Diyos. Naparito si Jesus upang tipunin ang mga nawawalang anak ng Diyos dahil sa pagkakasala. Ngayong panahon ng Kuwaresma, dinggin natin ang paanyaya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin…” Sa ating mga panalangin at pagtupad sa mga gawain sa Kuwaresma, makisalo tayo kay Jesus upang mahilom ang ating mga sugat na bunga ng ating pagkakasala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





