Ebanghelyo: Mateo 4:1-11
At dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin siya ng diyablo. Pagkatapos ng apatnapung araw at apatnapung gabing di kumakain, nagutom si Jesus.
Kaya lumapit sa kanya ang demonyo at sinabi: “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” Ngunit sumagot si Jesus: “Sinasabi ng Kasulatan: Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat namumutawi sa bibig ng Diyos.”
Dinala naman siya ng diyablo sa Banal na Lunsod, inilagay siya sa nakausling pader ng Templo, at sinabi: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka paibaba pagkat sinasabi ng Kasulatan: Uutusan ng Diyos ang kanyang mga anghel para sa iyo. Bubuhatin ka nila upang hindi matisod ang iyong paa sa bato.” Sumagot si Jesus: “Ngunit sinasabi rin ng Kasulatan: Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.”
At agad na dinala ng diyablo si Jesus sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng bansa ng daigdig sampung kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi sa kanya: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin.” Kaya sumagot si Jesus: “Lumayo ka, Satanas! Sinasabi nga ng Kasulatan: Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos; siya lamang ang iyong paglilingkuran.”
Kaya iniwan siya ng diyablo at lumapit naman ang mga anghel at naglingkod sa kanya.
Pagninilay
Sa apatnapung araw ng pananalangin, pag-aayuno at pagngingilin sa makamundong bagay doon sa disyerto, nagpakita ang diyablo at tinukso si Jesus. Nagiisa si Jesus, gutom at uhaw, mga pagkakataong madaling matukso ng diyablo. Tatlong beses tinukso si Jesus ngunit nabigo ang diyablo.
Ang taong nasa mahirap na sitwasyon gaya ng karukhaan ay madalas na lapitan ng tukso kung kaya’t may mga taong “kumakapit sa patalim.” May nagpapadala sa tukso upang makaalis sa mabigat na kalagayan. Meron din namang mga taong nasa mabuting kalagayan, na dahil sa kasakiman, ay sinasamantala ang kahirapan ng iba, upang makapagsamantala, makalamang at makapangabuso. Ito ang riyalidad ng buhay. Kaya maraming tao ang nagiging biktima nito. Ito ay nagaganap pagkat patuloy ang taong nagpapadala sa tukso ng demonyo na siya namang nagpapalayo sa atin sa Diyos.
Sa pangako natin sa binyag at kumpil, ating itinatakwil ang demonyo, ang kanyang mga pang-aakit, at ang pagkaalipin sa kasalanan. Sa panahon ng Kuwaresma, pagsisihan natin ang mga panahong nagpadala tayo sa tukso at nagkasala sa Diyos. Sa pagaayuno, pagpangilin sa makamundong bagay, at sa pagbabahagi sa kapuwa, matutunan nating labanan ang tukso at kasakiman upang mabalik ang ating ugnayan sa Diyos na siyang layunin ng pagaalay ni Jesus ng Kanyang sarili.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





