Ebanghelyo: Marcos 6:1-6
Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
Pagninilay
“Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” Ang pahayag na ito ni Jesus ay sakto sa isang sikat na kasabihan na “familiarity breeds contempt” o ang pagiging masyadong pamilyar ay maaaring magdulot ng kapamahakan. Paano? Si Jesus ay bumalik sa kaniyang pinagmulang bayan ng Nazaret. Sa halip na manalig at magtiwala ang kaniyang mga kababayan, pinangunahan sila ng pagdududa at pagtataka. Pinangunahan nila ang kapangyarihan ng Diyos na namalas kay Jesus at mas sinaalang-alang nila ang kaniyang nakaraan, hindi kung nasaan at ang misyon Niya ngayon. Hindi humanga ang mga tao dahil sinabi nilang lubos nilang kilala si Jesus at mas pinagtuunan nila hanapan siya ng mga kapintasan o mga pagkakamali. Ito ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon. Huwag nating tularan ang mga taga-Nazaret na inuna pa ang pag-alam sa katauhan ni Jesus kaysa pakinggan at unawain ang Kaniyang mensahe. Kung tutuusin, hindi rin nila talaga lubos na kilala si Jesus. Kung nakikilala nila ang buo niyang pagkatao, matatanto nila na Siya ay isinugo ng Diyos. Nawa’y makinig tayo at isabuhay natin ang mga turo ni Jesus. Kung pipiliin nating gayahin ang mga taga-Nazaret, hindi rin natin makukuha ang marka o palatandaan, “we missed the mark”, dahil hindi natin sineryoso at binigyan ng puwang ang Diyos sa kalooban at buhay natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




