Ebanghelyo: Lucas 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo?” At sinabi niya sa mga tao: “Magingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ariarian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isipisip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinutubo para sa Diyos.”
Pagninilay
Kasalanan ba ang magpayaman o mag-ipon ng salapi? Hindi. Ang tunay na kasalanan ay ang maging mayaman lamang sa pera at maging salat naman sa Diyos. Isang kahangalan ang kumapit sa pera at kaligtaan ang pananagutan sa kapwa. Sabi ni Papa Francisco: “kapag ang salapi at materyal na bagay ay naging sentro ng ating buhay, bibihagin nito ang ating puso at tayo ay magiging alipin.” Inihalintulad ng Santo Papa ang kasakiman sa salapi sa idolatriya o pagsamba sa diyus-diyosan. “Bumalik sa ating panahon ang pagsamba sa Ginintuang Guya sa Lumang Tipan sa isang bago at walang awang anyo ng idolatriya ng pera.” Kasakiman ang sanhi ng pagkawasak ng dangal ng tao at ng kanyang ugnayan sa kapwa. Hindi lamang tao ang nasisira ng pera. Pati ang kalikasan ay nagiging biktima ng labis na paghahangad sa kayamanan. Ang polusyong dulot ng mga dambulang korporasyon ay maitim na bakas ng kasalanang panlipunan. Sabi ni Papa Francisco: “Hinihiling ko sa inyo na tiyaking ang sangkatauhan ang pinaglilingkuran ng kayamanan at hindi siya ang pinaghaharian nito.”
© Copyright Pang Araw-araw 2026





