Ebanghelyo: Mateo 18:21—19:1
Nagtanong naman si Pedro kay Jesus, “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.” Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.” Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.”
Pagninilay
Naganap ang katarungan dahil sa ginawa ng mga kapwa lingkod. Tumimo sa kanilang mga puso ang nasaksihan nilang nakalulungkot na pangyayari. Dahil sa awa sa sinakal at pagkainis sa masamang utusan, pinuntahan nila ang kanilang Panginoon upang magsumbong at nang sa gayon, magkakaroon ng katarungan. Nagiging saksi rin tayo ng may mga kalikuan, paboritismo, diskriminasyon, pinsala, at iba pang dumurungis at nagpapawala ng katarungan. Pero ano ang ating ginagawa para sa mga biktima? Ibinabaling ba natin ang ating mga mukha sa ibang dako habang nagsasabi sa sarili “abala na ako sa aking buhay, wala akong magagawa para sa taong ito’?” O nag-iisip tayo ng kung anong pwede nating gawin-magsumbong? kausapin ang taong nagkamali? tulungan ang napinsala? May mga panahon kung kailan nasa ating kamay ang kaganapan ng katarungan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020