Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman gina gawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitangtao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapaka taas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Ang salita at gawa ay hindi maaaring paghiwalayin. Ang salita ay nagpapakilala sa gawa at ang gawa ang nagbibigay buhay sa salita. Ganito ang tunay na pagsaksi. Malinaw ang mga ito sa buhay mismo ni Jesus. Tinuruan niya ang kanyang mga alagad at ang mga taong nakasalamuha niya sa pamamagitan nang pag papagaling sa may sakit at pagpapakain sa mga ginugutom. Ito’y nagpapakita nang kaligtasan, pagibig, at habag ng Diyos. Tayong mga nananalig kay Jesus ay kanya ring mga alagad. Dapat lamang na pagsikapan nating ang pagsaksi sa kanyang mga aral sa salita at gawa. Ang kanyang salita’y gumagabay sa atin at ang ating mga gawa ay saksi sa kanyang mga aral. Sa pamamaraang ito, tayo’y magiging karapatdapat tawaging mga alagad ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023