Ebanghelyo: Marcos 6:17-29
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito.
At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito:
“Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”
Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagninilay
I pinagdiriwang natin ang isa sa kapistahan ni San Juan Bautista. Ang kanyang pagkamartir o kamatayan. Nabasa natin sa Ebanghelyo kung paano humantong ang kuwento sa pagpugot ng kanyang ulo. Dahil sa binitiwang salita ni Herodes, isang buhay ang nawala. Pero ang kamatayan ni San Juan Bautista ay nagbunga nang mas marami at malalim na pananampalataya. Ang katapangan niya ay siya nawang ating matularan. Katapangan sa pagsasabi ng katotohanan. Huwag matakot magsalita tungkol sa katotohanan. Hindi natakot si San Juan Bautista na sabihan si Herodes at Herodias sa kanilang relasyon – ang pakikiapid. Hindi lang ito ordinaryong pakikiapid. Asawa ng kanyang kapatid si Herodias na inasawa ni Herodes. Tahasang sinabihan sila ni San Juan Bautista na mali ang kanilang ginagawa.
Ito rin ang kailangan natin ngayon. Kung marami na tayong nakikitang maling ginagawa ng mga tao, hindi tayo dapat matakot magsalita tungkol sa katotohanan. Kahit maging kapalit nito ang ating buhay. Huwag nating ipagpapalit ang prinsipyo na manindigan sa katotohanan. Magalit man sa atin ang marami, ang mahalaga ay ginawa mo ang iyong tungkulin dahil sa Diyos tayo mananagot.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022