Ebanghelyo: Marcos 3:7-12
Kaya lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya.
Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa.
Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay
Mula pa sa iba’t-ibang lugar ang napakaraming taong gustong puntahan si Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng kanyang ginawa. Naaakit tayo sa kahanga-hangang bagay na ginagawa ng isang tao kung kaya’t nais nating makadaupangpalad ito. May kanya-kanyang dahilan ang bawat tao ng kanyang pagpunta kay Jesus. Karamihan ay mga nagnanais na gumaling sa karamdaman. Meron din naman sigurong naghahanap ng kapahingahan gayundin ng aral at inspirasyon mula sa kanyang mga aral at salita. Sa panahon ngayong tila napakarami ng bagay ang pinagkakaabalahan at kinagigiliwan ng tao, hinahanap at sinusundan pa rin kaya si Jesus? Siya pa rin ba ang nakakaakit sa atin? O baka iba na? O kung hindi na tayo naaakit sa kanya, hindi kaya dahil hindi na natin pinakikinggan at tinitingnan ang lahat ng kanyang ginawa?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021