Ebanghelyo: Mateo 17:1-9
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At napakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipagusap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, nakita nina Pedro, Juan, at Santiago na may mga kasama si Jesus sa kaniyang pagbabagong-anyo – sina Moises at Elias. Ito ay mahalaga sapagkat ipinapahayag sa atin na si Jesus nga ang tunay na Mesiyas na ipinangako. Iniuugnay din dito ni Jesus ang mga pangako ng Diyos sa Lumang Tipan, ang pangakong kaligtasan kay Moises at sa piling bayan ng Diyos, at ang pangakong katuparan ng propesiyang ipinahayag ni Elias. Ang pagpapakita nina Moises at Elias kasama ni Jesus ay lubhang makabuluhan. Ang pangalang Moises ay itinumbas sa batas ng Lumang Tipan, na ibinigay ng Diyos sa mga tao. Dumating si Jesus at tinupad ang mga utos ng batas at ginawa ang mga bagay na hindi kayang gawin ng batas. Si Elias naman ay ang dakilang propeta at nagpatotoo na tinupad ni Jesus ang kanilang mga ipinahayag. Kasama ng Pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang pangako para sa lahat. Kung susundan natin ang daan ng kabanalan, mangyayari din sa atin ang nasiksahan ng mga alagad. Hindi ito pagbabagonganyo na nangyari lamang na parang mahika. Ang Pagbabagong-anyo na ito ay bunga ng isang pinanibagong puso. Ibig sabihin, ang daan patungo sa pagbabago-anyo at pakikiisa kay Jesus sa langit ay ang daan sa pagpili natin na laging gumawa ng mabuti. Sa bawat kabutihang ating ginagawa, mas lalong kumikinang ang ating kalooban. Kaya nga kung titingnan natin ang mga banal, sila ay mga tao na katulad natin. Pero, nilagyan sila ng mga aureola o halo, mga aura ng Liwanag, sapagkat sa kanilang mga buhay ay pinili nila araw araw na maging liwanag, maging halimbawa para sa iba.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





