Ebanghelyo: Lucas 16:19-31
May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa arawaraw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, mapapansin natin na si Lazaro na isang dukha at nanlilimos sa bahay ng mayaman ay pinangalanan, ngunit ang mayamang tao ay hindi. Bakit kaya? Ang pangalang Lazaro ay nagmula sa salitang Hebreo na Eleazar, na nangangahulugang “Ang Diyos ay tumulong”. Sa ebanghelyo, tinulungan nga ng Panginoon si Lazaro. Hindi sa pamamagitan ng pagbigay sa kanya ng kayamanan sa lupa, kundi nang pagkakaroon ng kaligayahang panghabangbuhay sa piling ni Abraham – isang lugar ng kaginhawahan sa kabilang buhay kung saan naghihintay ang mga matuwid na yumao sa Araw ng Paghuhukom. Habang ang mayaman naman ay naglustay ng kanyang yaman sa lupa at ni hindi nahabag kay Lazaro ay walang pangalan sa kuwento. Sinadya na siya ay makilala bilang isang taong mayroon ang lahat ng bagay, pero hindi nagbigay. Kaya nung siya’y namayapa, dinala siya agad sa apoy ng impyerno. Nawa’y maging babala sa atin ang dalawang tauhan sa ebanghelyo. Ang kabutihan ng puso ang sukatang batayan ng Panginoon upang makapasok tayo sa langit. Ang mahalaga ay ang kabanalan – ang pagiging maka-Diyos – sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa, pagtulong sa mga nangangailangan, at pagibibigay ng pag-asa sa mga nahihirapan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





