Ebanghelyo: Juan 8:51-59
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya papansinin ang kamatayan magpakailanman.”
Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang mga propeta at sinasabi mong ‘Kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hindinghindi siya lalasap ng kamatayan magpakailanman.’
Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Abraham na namatay? Nangamatay pati ang mga propeta. Sino ka ba sa akala mo?”
Sumagot si Jesus: “Kung ako ang pumupuri sa aking sarili, walang saysay ang aking papuri. Ang ama ko ang pumupuri sa akin, siya na sinasabi n’yong ‘Diyos namin.’ Hindi n’yo siya kilala pero kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad n’yo. Pero kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita.
Nagalak ang inyong amang si Abraham at makikita niya ang Araw ko; nakita nga niya at siya’y natuwa.”
Kaya sinabi ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham, ako na nga.”
Kaya dumampot sila ng mga bato para ibato sa kanya. Pero nagtago si Jesus at umalis sa Templo.
Pagninilay
Sa Lumang Tipan, ang kamatayan ay hindi lamang ang pagkamatay ng katawanglupa. Ito ay ang pagkawalay sa Diyos, ang nagbibigay at siyang bukal ng buhay. Bagama’t namamatay ang katawan, nananatili ang kaluluwa na walang kamatayan. Ang manatiling tapat at masunurin sa Diyos gaya ni Abraham ang siyang nagdadala sa pakikibahagi sa buhay na walang hanggan na ipinagkakaloob ng Diyos. Nama malas din ito sa buhay ni Jesus na siyang daan sa buhay na walang hanggan. Sa rito ng misa sa patay, pinaaalalahanan tayo na kung tayo’y mamamalagi sa Panginoon, ang buhay ay di magwawakas. Ito’y tatawid lamang sa ating inaasahang tirahan na hinanda ni Jesus sa mga nananalig sa kanya. Ang ating pagsisikap na maging tapat at masunurin ay nagbibigay pag-asa na sa hinaharap, dadalhin tayo sa tabi ni Abraham kung saan matatamo natin ang buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023