Ebanghelyo: Juan 16:23b-28
At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan.
Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.
Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.
Pagninilay
Sinabi ni Jesus na ipagkakaloob ng Diyos Ama ang hingin sa kanya sa ngalan ni Jesus. Marapat tayong tumawag sa pangalan ni Jesus sa ating mga panalangin. Ngunit bakit hindi lahat ng ating hinihingi ay ipinagkakaloob? Bago pa magsimula ang pagpapakasakit ni Jesus, nanalangin na siya sa Getsemane. Labis ang kanyang hapis na kanyang winika sa Diyos, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng pag hihirap…” Subalit dahil sa kanyang pagkamasunurin, inialay niya ang lahat sa pagwika, “ang kalooban niyo ang mangyari.” Ano ba ang kahulugan ng panalagin? Ito’y hindi lamang para sa ating mga kahilingan sa Diyos. Isa itong pakikipagusap sa Diyos tulad ng pakikipagusap ng anak sa kanyang ama. Sa madalas na pakikipagusap, napapalalim ang relasyon. At tulad ni Jesus na madalas nakikipagusap sa kanyang Ama sa panalangin, tayo ri’y magiging masunurin sa kanyang kalooban. Sa ating panalangin, ang ating mga puso’y nagiging katulad ng kay Jesus hanggang sa hindi na ang ating sariling kalooban ang nasusunod, kundi ang kalooban ng Diyos na siyang dapat nating pinagsisikapang maganap sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023