Ebanghelyo: Lc 16: 19-31*
May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.‘ (…)
Pagninilay
Tatlong punto para sa ating pagninilay: KAHIRAPAN. Bakit maraming naghihirap sa mundo? Isang dahilan ay sapagkat ayaw magbahagi ang mga mariwasa. Maraming Dives ang makasarili at walang malasakit sa mga Lazaro. Tunay na kaylayo ng agwat ng mga mayayaman at mga mahihirap. WALANG MASAMA. Bakit si Dives ay dinala sa impiyerno! Masamang tao ba siya? Pinagmalupitan ba niya o sinaktan si Lazaro? Hindi naman. Makasarili lamang siya. Ang iniisip ay ang kanyang kapakanan. Nakalimutan niya ang mga kapuspalad. WALANG MABUTI. Kahit walang masamang ginawa si Dives, wala rin siyang ginawang mabuti. Sa langit ay walang lugar para sa mga taong nang nasa lupa pa ay walang kabutihang naibahagi sa kapwa. Kulang sa pagmamahal at malasakit si Dives. Kahit hindi siya malupit, siya naman ay maramot sa kapwa. Hindi nagmalabis ngunit nagkulang naman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024