Ebanghelyo: Juan 21:15-19
Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa. Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay
Talong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal ba niya siya. Sa bawat sagot ni Pedro ay may mga kondisyun na inilatag si Jesus upang suriin ang pagmamahal na ito. Kung ating susumahin ay pwede nating sabihin na ang batayan at paraan ng pagmamahal sa Diyos ay sa pamamagitan ng kung paano natin mamahalin at pahahalagahan ang ating kapwa tao. Hindi sinabi ni Jesus na pakainin mo ako, ipastol mo ako at arugain mo ako. Ang lahat ay patungkol sa mga tupa ni Jesus, sa kaniyang kawan. Ipinagkatiwala kay Pedro ang mga tao, ang buong sambayanang sumasampalataya at sumusunod kay Kristo. Si Pedro, bilang isang katiwala, ay hindi lamang may responsibilidad na pangunahan ang sambayanan. Higit sa lahat, ang tawag at hamon sa kaniya ay para mahalin at pangalagaan ang kawan na ipinagkatiwala sa kaniya ni Jesus. At lahat ng ito’y kaniyang gagawin alang-alang sa malalim niyang pag-ibig kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





