Ebanghelyo: Juan 16:29-33
Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya – at iiwan n’yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nagiisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”
Pagninilay
Pagkatapos ng ilang pagkakataon ng pagtuturo at pagpapaliwanang, sa wakas ay naunawaan at nakilala na ng mga alagad kung sino si Jesus. Sa wakas, dumating na rin ang pananalig sa mga alagad kay Jesus. Ngunit agad silang sinubok ni Jesus at ginamit ang pagkakataon upang muling ipakita sa kanila ang kaniyang pakikiisa sa Ama na nagsugo sa kaniya. Ang taong naniniwala kay Jesus ay taong nakakaunawa na siya ay nakikiisa sa Ama, kasama ang Banal na Espiritu. Ang paniniwala kay Jesus ay hindi lamang limitado sa pagkakilala sa kaniya bilang Diyos, kundi pati na rin ang pagtanggap na siya’y Anak ng Dyos, na siya mismo ay kaisa ng Diyos Ama. Ito ang naging dahilan kung bakit hindi natanggap ng mga Pariseo at lahat ng mga Hudyo si Jesus. Hindi lamang sa hindi nila siya tinanggap bilang ang Mesiya, kundi mas matindi ang kanilang ginawang pagtanggi at hindi pagkilala na siya’y anak at kaisa niya ang Diyos. Hindi itinago ni Jesus ang riyalidad na ito. Dahil rito, kaya naman marami ang hindi nanalig. Kaisa ka ba ng mga alagad sa paniniwalang si Jesus ay Diyos at kaisa niya ang kaniyang Ama at Banal na Espiritu?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





