Ebanghelyo: Mateo 28:16-20
Pumunta naman sa Galilea ang Labingisang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”
Pagninilay
Pagkatapos na magpakita si Jesus at ibinigay ang kaniyang mga tagubilin sa mga alagad ay umakyat na siya sa langit, sa piling ng Ama. Ngunit bago siya umakyat pabalik sa Ama ay ibinigay ni Jesus ang kaniyang huling habilin na gawing alagad ang lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng pagbibinyag at pagsunod sa kaniyang mga utos. Sa pamamagitan nito’y kasama ng mundo si Jesus hanggang sa wakas ng panahon. Sa bawat umaalis ay madalas na nag-iiwan ng mga tagubilin, kahit ang taong mamamatay ay mayroong last will and testament. Sa pag-alis ng isang tao ay hangad pa rin niyang maging maayos ang lahat, na magpapatuloy ang mga bagay kahit pa wala na siya. Para kay Jesus, ang kaniyang mga bilin ay higit pa sa mga nabanggit. Ang kaniyang tagubilin ay maghahanda sa atin sa muli niyang pagbabalik. Bumalik na siya sa Ama, ngunit siya’y babalik upang makasama tayong muli. Sa pagtanggap natin sa binyag at pagsunod sa kaniyang utos, tayo’y nakikibahagi sa kaniyang kaluwalhatian, at ito’y magkakaroon ng kaganapan kapag makakasama na natin siya ng lubos. Sa pagtanggap natin sa biyaya ng binyag, nawa’y maging daan ito upang tayo at ang lahat ng mga bansa ay maging mga alagad ng Panginoon at masunod ang lahat ng kaniyang mga utos. Nawa’y makita natin na ang ating binyag ang nagbubuklod sa atin kay Kristo.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





