Ebanghelyo: Juan 16:5-11
Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta, kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis. hindinghindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
Pagninilay
Sa lahat ng ginawa ni Jesus – pangangaral at pagpapahayag tungkol sa kaharian ng langit, pagpapatawad at pagpapagaling sa mga makasalanan at maysakit, at pagpapakita sa pagmamahal at pagkahabag ng Ama ang mga ito ay hindi naging sapat para sa ilang mga Hudyo upang kanilang kilalanin si Jesus bilang tagapagligtas na ipinangako sa kanilang angkan mula nang makipagtipan ang Diyos Ama sa kanila. Ito nga ayon kay Jesus ang kanilang naging kasalanan – ang kanilang kawalan ng pananalig sa kaniya. Walang dapat na patunayan si Jesus sa kaniyang pagkadiyos, pero ginawa niya pa rin kung ano ang naayon batay sa kagustuhan ng Ama. Hindi ito naging hadlang upang ipadala ni Jesus ang Tagapagtanggol na humalili sa mga alagad at mas maipakita sa mga taong hindi tumanggap sa kaniya ang kanilang naging kasalanan. May mga pagkakataon na naipagpapatuloy natin ang kasalanang ito sa mga pagkakataong pinagdududahan natin ang presensya ng Diyos sa buhay natin, lalo na sa mga pagkakataong mas pinaniwalaan natin ang kasinungalingan at mga pagkakataong mas naniwala tayo sa sarili nating kakayahan at nasasabi nating hindi na natin kailangan pa ang Diyos sa buhay natin. Sa puntong ito ng buhay, patuloy ba tayong nagkakasala sa Diyos dahil sa kawalan ng pananampalataya?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





