Ebanghelyo: Juan 14:15-21
Kung mahal ninyo ako, isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko. At hihingin ko sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang bagong Tagapagtanggol upang makasama ninyo magpakailanman: ng Espiritu ng katotohanan na hindi matatanggap ng mundo dahil hindi siya nito napapansin ni nakikilala. Kilala ninyo siya sapagkat namamalagi siya sa inyo at sasainyo siya. Hindi ko kayo iiwang ulila; pabalik ako sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako mapapansin ng mundo; ngunit papansinin ninyo ako sapagkat buhay ako at mabubuhay din kayo. Sa araw na ’yon ninyo malalaman na nasa Ama ako, at nasa akin kayo at nasa inyo naman ako. Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.”
Pagninilay
Nagbigay ng mga tagubulin si Jesus na tutulong sa kaniyang mga alagad upang ipagpatuloy ang kaniyang nasimulang misyon kahit pa nga siya’y di na nila pisikal na kapiling. Ang Espiritu ang hahalili hanggang sa muling pagbabalik ni Jesus. Binigyan diin ni Jesus sa kaniyang tagubilin na sa pamamagitan ng pagmamahal ay susundin ng kaniyang alagad ang mga kautusan niya, at sa pamamagitan nito ay ipakikita at ipaparamdam ni Jesus ang pag-ibig na nagmumula sa Ama. Mahirap sumunod sa mga kautusan kung ang tingin natin sa mga ito ay mga “dapat”. Mas nagiging mahirap ang pagsunod kung tayo’y napipilitan lamang. Tayo ay inaanyayahan ngayon ni Jesus na gawin at sundin ang mga utos sa ngalan ng pag-ibig. Sa pamamagitan ng pag-ibig ay ating mauunawaan na ang mg utos ay mga paraan para: Una, mapalalim natin ang pagkilala natin sa Diyos sapagkat ang mga utos ay nagpapakita at nagpapakilala sa kaniyang kabutihan. Pangalawa, ang mga utos ay paraan ng Diyos upang maipadama sa atin ang kaniyang pagmamahal. Pangatlo, sa pamamagitan ng ating pagsunod sa mga kautusan bunsod ng ating pag-ibig sa Diyos, tayo’y nakikiisa sa kaniyang kaluwalhatian. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng sapat na lakas at mapuspos sa kaniyang pag-ibig upang gawin at sundin ang kaniyang kalooban. Hilingin natin na tulad ni Jesus, dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig sa Ama na nagsugo sa kaniya, ay siya ay tumalima kahit pa man humantong ito sa kaniyang kamatayan sa krus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





