Ebanghelyo: Juan 15:26—16:4a
Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog.Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang lahat ng ito mula sa simula sapagkat kasama ninyo ako.
Pagninilay
Nagawa at naipakita na Jesus kung ano ang dapat gawin sa kaniyang pagpapakatao. Nalalapit na rin ang panahon na siya’y kinakailangan nang bumalik sa Ama na nagpadala sa kaniya. Nalalapit na rin ang panahon na kailangan niyang iwan ang mga alagad at mula roon ay kanilang ipagpapatuloy ang anumang nasimulan ni Jesus. Isa sa mga mahahalagang gagawin ng mga alagad ay ang magbigay patunay na si Jesus ay Diyos at Tagapagligtas. Gagawin ito ng mga alagad sa tulong ng Tagapagtanggol, ang Espiritu ng Katotohanan, na galing sa Ama. Nagbabala na si Jesus sa kung anong maaaring mangyari sa kaniyang mga alagad. Sa moderno nating panahon, tayo rin ay inaanyayahan na ipagpatuloy ang mga nasimulan ni Jesus na ipinasa niya sa mga alagad. Higit na mas kailangan natin gawin ngayon ang pagpapakita at pagbibigay patunay na mayroong Diyos at Siya ay buhay. Tulad ng mga alagad, maaari tayong makaranas ng mga hamon, panghinaan ng loob at kahit pa magbuwis ng sariling buhay. Ngunit itoy hindi magiging hadlang sapagkat sumasaatin ang Espiritu ng Katotohan at siya ay ang magbibigay lakas sa atin upang magbigay ng patotoo sa Diyos na naghahari sa bawat isa. Handa ka bang magbigay patotoo para kay Jesus?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





