Ebanghelyo: Juan 17:11b-19
Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin. Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang kasulatan. At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan. Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama. Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang salita mo. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking salita upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.
Pagninilay
Tayo’y nasa mundo, pero hindi tayo para lang sa mundo. Tayo’y nasa mundo, pero hindi dapat tayo makamundo. Tayo’y inaanyayahan na maging katulad ni Jesus, na nagkatawang tao, pero hindi naging makamundo, ngunit ipinagpatuloy ang kaniyang pagkadiyos sapagkat hindi siya nagpadala sa kung paano isinasabuhay ang isang makamundong buhay – kasinungalingan, yabang, poot at iba pa. Sa halip, ipinakita niya ang mga hiyas ng kaharian – pagmamahal, pagpapatawad, pagbibighayan. Kaya naman ganun na lang ang dasal ni Jesus para sa kaniyang mga kaibigan sapagkat nananatili sila sa mundo, at maraming pwedeng mangyari. Sa pamamagitan ng panalangin ni Jesus, kaniyang ipinapaalala na tayo ay para sa langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





