Ebanghelyo: Juan 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito, ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito.” Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay
Ang Diyos ang may kontrol ng lahat. Ang kaniyang kalooban ang sa tuwina’y nangyayari sa bawat isa sa atin. Madalas nating pagdudahan at tanungin ang kalooban ng Diyos. Madalas din na hindi natin matanggap kung bakit nangyayari sa atin ang taliwas sa ipinagdarasal at hinihiling natin. Kadalasan, hindi natin matanggap ang kalooban at ang kagustuhan ng Diyos. Bakit nga ba? Magandang tanungin din ang sarili natin. Mas pinagtutuunan ba natin ng pansin ang mga kaganapan sa buhay ng iba, sa halip na asikasuhin natin kung paano natin pagsisikapang baguhin at palaguin ang sarili nating buhay? Sa kakabantay natin sa buhay ng iba, hindi na natin napapansin ang mga pagkakataong ipinapakita at ipinagkakaloob ng Diyos na mga oportunidad at mga pagkakataon. Sabi nga, ‘We miss the point.’ Sa pagkakaiba-iba natin ay iba-iba rin ang nais ng Diyos. Unique ang bawat isa, kaya unique rin naman ang plano ng Diyos. Kung lahat ay kumakanta, sino pa ang makikinig? Kung lahat ay nagtatanghal, sino pa ang manunuod? May kaganapan sa bawat isa. Lahat din ay tinatawag sa pagsunod sa Panginoon. Nakita na ba natin ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay? Handa na ba tayong tumugon sa bawat plano ng Diyos para sa atin?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





