Ebanghelyo: Jn 14: 27-31a
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Walang anumang kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, itomismo ang aking ginagawa. Tumindig kayo, tayo na mula rito!
Pagninilay
Gaano kahalaga ang magkaroon ng kapayapaan! Ang mamuhay na panatag ang loob. Walang takot o pangamba! At gaano kahirap ang buhay na hindi mapayapa! Kaya ito ang ibinilin ni Jesus sa Kanyang mga alagad. Napakasarap pakinggan ng mga Salitang ito ni Jesus, “Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob.” Kahit pa minsan ang isip natin ay gulonggulo at ang puso natin ay balisa dahil sa mga bagay na bumabagabag sa atin. Napakalaking bagay ang marinig sa isang tao na mahalaga sa ating ang sabihin na, “Huwag mag-alala!” Mahirap makamit ang kapayapaan ng isip at damdamin kung ang puso natin ay puno ng galit, takot, at pangamba tungkol sa maraming bagay dahil kapos tayo ng pananalig sa Diyos, na kaya Niyang gawin ang lahat nating kahilingan sa pamamagitan ni Jesus! Kung hindi nananahan si Jesus sa ating buhay, walang halaga ang kayamanan o kapangyarihan ang makapagdulot ng kapayapaan. Manalig tayo kay Jesus! Siya na mismo ang nagsasabi, “Huwag mangamba! Narito ako!”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024