Ebanghelyo: Lucas 11:27-28
Habang nagsasalita pa siya, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”
Pagninilay
“Hindi ka na ma-reach.” Ito ang sinasabi natin sa taong nakaaangat sa buhay o malayo na ang narating. Kung minsan, ganito rin ang turing natin sa Mahal na Birhen at sa mga Banal. Mahirap abutin. Kakaiba sa karaniwan. Hindi kayang pamarisan. Ipinakita sa ebanghelyo na madaling maka-relate kay Maria. Hindi totoong mahirap na siya’y tularan. Wika ni Jesus: “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.” Higit pa sa pagiging Ina, si Maria ang unang nakinig at tumalima sa kanyang Anak. Iningatan niya si Jesus, hindi lang sa sinapupunan, kundi sa kanyang puso. Iisa at hindi mauulit ang pagka-Ina ni Maria sa pisikal na kahulugan nito, ngunit kayang tularan ninuman ang kanyang pagka-disipulo. Sa pakikinig at pagtupad sa Salita, si Maria ang ating huwaran. Hindi ang paggagayak ng magarang kasuotan ng kanyang imahen, kundi ang pagtulad sa kanyang halimbawa, ang pinakaangkop na pagpaparangal sa ating Mahal na Ina.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





