Ebanghelyo: Mateo 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga: “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapatdapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’ Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampiyesta. Kaya sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.”
Pagninilay
Madali bang tumanggi sa imbitasyon? Paano kung ito ay kasal ng isang malapit na kamag-anak o kaibigan? At gaano pa kaya kung ito ay ‘royal wedding?’ Siyempre, sa kasalan ng mga sikat, lahat ay nangangarap na mapasama sa guest list. Isa itong karangalan at pribilehiyo. Pero iba ang nangyari sa talinhaga sa ebanghelyo. Tinanggihan ng mga inanyayahan ang paanyaya ng hari – hindi dahil sa ayaw nila, kundi dahil may iba silang ‘priority.’ Posible palang tanggihan ang alok ng Diyos ng pagliligtas, hindi dahil ayaw natin sa kanya, kundi dahil may iba tayong itinuturing na mahalaga. Tama ang sinabi ni Michael Schmaus: ‘Evil man is not cast into hell, rather he himself creates it.’ Ang impiyerno ay pasya laban sa pag-ibig, isang desisyon laban sa Diyos. Sa kamatayan, ang pasyang ito ay nananatili. Bagamat posibleng magpasya laban sa Diyos, ang alok ng pag-ibig Niya ay tunay. Nagaganap ito araw-araw. Kailangang masanay ang ating puso na piliin ang katuwiran at kabutihan. Ito ang dahilan kung bakit hindi lahat ng nakapasok sa bulwagan ay nakadulog sa piging. May ilang hindi naging marapat. “Hindi lahat ng nasa Simbahan ay sumasa-Diyos, at hindi lahat ng sumasa-Diyos ay nasa Simbahan,” ani San Augustin. Ang karangalan at panlabas na anyo at kasuotan ay hindi garantiya ng kabanalan. Sa talinhaga, bakit kailangan ang “wastong kasuotan”? Ang damit pangkasal ay sagisag ng kasanayan (habit) sa pagpanig sa kabutihan at katarungan. Ang kahulugan ng ‘habitus’ sa wikang Latin ay ang bagay na lagi nating dala, suot o gawi. Ang ating ginagawang palagi ay nagiging gawi. Binubuo nito ang ating karakter. Ang ating gawi ay nagiging tayo. Sa pag-aalagad, kailangan ang pagsasanay ng ating puso na suotin ang damit ng kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





