Ebanghelyo: Mateo 1:16, 18-21, 24a (o Lucas 2:41-51a)
Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang magasawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay
Si San Jose ay tahimik na saksi sa paglaki ni Jesus bilang tao at isa ring saksi sa pagsunod Niya sa kalooban ng Ama sa langit upang maging Tagapagligtas ng Sangkatauhan. Sa ebanghelyo ngayon, ipinamalas kung paano nagtiwala si Jose sa gitna ng mga pagsubok na ibinato sa kanila ni Herodes at ng mga nais na ipahamak si Jesus. Bilang isang pangkaraniwang Hudyo, si Jose noon ay may karapatan ayon sa kanilang batas na akusahan si Maria ng pakikiapid at hiwalayan siya sa harap ng publiko, na siyang hahatol kay Maria bilang isang itinakwil na asawa. Ngunit nakita natin ang pananampalataya ni Jose. Iginalang niya si Maria at ang pahayag niya na ang sanggol sa kanyang sinapupunan ay kaloob ng Diyos. Dito natin mamamalas ang kabutihan ni San Jose. Siya ay matuwid, mayroong mabuting kalooban, at malinis na konsensiya. Minsan akala siguro natin na upang maging isang santo o banal, kinakailangang mayroon kang naiambag na napakalaking kontribusyon sa Simbahan, o kaya naman ay maging sikat na alagad ng Simbahan. Itinuturo sa atin ng buhay ni San Jose na ang pagiging isang banal ay ang pagkakaroon nang tuloy-tuloy o consistent na pamumuhay na payak at may mabuting intensyon para sa kapwa. Nawa, ipanalangin tayo ni San Jose upang matuto tayong tangkilkin ang mga kabutihang asal na ginagawa natin araw-araw. Sa pagiging palagiang mabuti at mababa ang loob natin, matatagpuan natin ang daan sa kabanalan na tinahak ni San Jose bilang kasangkapan ng kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





