Ebanghelyo: Juan 7:40-53
Kaya sa maraming taong nakarinig sa mga salitang ito: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Mesiyas.” Ngunit sinabi ng iba pa: “Sa Galilea ba manggagaling ang Mesiyas? Di ba’t sinabi ng Kasulatan, na sa binhi ni David at mula sa Betlehem na nayon ni David galing ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay. Kaya nagbalik ang mga bantay ng Templo sa mga punong-pari at mga Pariseo, at sinabi naman ng mga ito sa kanila: “Ba’t di n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap gaya ng pangungusap ng taong ito.” Kaya sinagot sila ng mga Pariseo: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong nanalig sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: mga isinumpa sila!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginagawa?” Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo’t tingnan, mula Galilea’y walang
lumilitaw na Propeta.” At umuwi ang bawat isa sa kanila.
Pagninilay
Iniugnay ng mga Pariseo at punong-pari si Jesus sa bayang kaniyang kinalakhan, ang Nazaret at ang distrito ng Galilea kung saan Siya nagministeryo. Kaya nga sinabi ni Nathaniel noon na: “May mabuti bang nagmumula sa Nazaret?” Anong mayroon na hindi katangi-tangi sa Galilea? Una, ang tingin ng mga Hudyo ay malayo ang Galilea sa sentro ng relihiyon nila. Gayundin, may negatibong pagtingin ang mga Hudyo sa Galilea dahil hindi sila gaanong mapagmasid sa mga ritwal ng relihiyon at madalas pang nakikipag-ugnayan sa mga hindi Hudyo, mga tinuturing na makasalanan. Hindi matanggap ng mga Hudyo na hindi nila katulad ang Mesiyas. Sa pagiging isang taga-Galilea, si Jesus ay isang “taga-labas” (“outsider”). Ngunit ito ang nagbigay kay Jesus ng mas malawak na pagtingin sa pananampalataya. Nakalimutan din ng mga Pariseo ang mga salita ni Propeta Isaias na ang “Galilea ng mga bansa” ay magiging isang lugar ng liwanag at kaligtasan, na tinuturing bilang pagtukoy sa ministeryo ni Jesus. Kaya mula sa Galilea, ipinakita ni Jesus ang tunay na paraan ng paglilingkod sa Diyos, malayo sa makitid at mapanghusgang ugali ng mga Pariseo. Kaya mabuti ang ginawa ni Nicodemo, pinili niyang maging boses ng katwiran. Pinili niya na hindi makisama sa mga taong na nais lamang magapi ang mabuting propeta. Nawa tayo rin ay laging pumanig at manindigan para sa Katotohanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





