Ebanghelyo: Juan 15:1-8
”Ako siyang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang di namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Ngayon malinis na kayo dahil sa salitang binigkas ko sa inyo. Mamalagi kayo sa akin, at ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sarili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin naman kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman. Kung hindi namamalagi sa akin ang sinuman, ihahagis siya sa labas gaya ng sangang natuyo na tinitipon at ginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo. Sa ganito parangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.
Pagninilay
Sa pananatili natin sa presensya ng Diyos ay mas nagiging makubuluhan ang buhay natin sapagkat ang lahat ng ating mga gawi ay magpapamalas sa kabutihan at pagkamaawain ng ating Diyos. Gayun din naman, ang buhay natin ay magsisilbing repleksyon ng kaniyang presensya rito sa lupa. Pangalawa, sa pamamagitan ng pananatili natin sa kaniya ay matatangap natin ang grasya na kinakailangan natin upang maging karapat-dapat na maipakita sa mundo ang kaniyang presensya. Ang taong nananatili sa presensya ng Diyos ay isang taong puspos ng pagpapala at grasya na namamalas ng ating kapwa. Sa pananatili sa presensya ng Diyos lamang mas magiging mabunga ang buhay ng tao. Kung walang Diyos ay wala tayong maaaring maipagmalaki bilang tao kundi ang ating pagiging makasalanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





