Ebanghelyo: Juan 15:9-11
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan.
Pagninilay
Masarap sa pakiramdam ang manatili kapiling ang taong minamahal. Nakakatuwang marinig ang kwento ng pag-iibigan ng mga mag-asawang umaabot sa kanilang silver anniversary at, mas lalo na, sa mga nagdiriwang ng kanilang golden anniversary. Akalain mo, may mga taong nagmamahalan na tumatagal ng napakaraming taon ang kanilang pagsasama, at kung tatanungin sila sa kanilang sikreto, iisa ang kanilang sagot – nagmamahalan lang sila. Gayundin ang pag-ibig ng Diyos para sa atin, hindi ito masusukat ng kahit na ano pa mang panukat. Kaya naman ang palagiang paanyaya sa atin ng Panginoon ay magmahalan at manatili tayo sa kaniyang pagmamahal. Sa pagmamahal sa Diyos ay may saya at ang pananatili sa presensya ng Diyos ay may galak. Ang tunay na kasiyahan ay nagmumula sa kakayahan na magmahal, na ipinapakita sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang pagmamahal sa Ama at sa bawat isa sa atin. Likas sa Diyos na siya ay umiibig, kaya sinasabi natin na ang Diyos ay Pag-ibig. Gusto nating maging masaya? Ibigin at manatili tayo sa presensya ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





