Ebanghelyo: Juan 15:12-17
Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
Paano nga ba ang magmahal at ano nga ba ang sukatan ng pagmamahal? Kung ang pamantayan ng mundo ang gagamitin, madalas nating ipakita ang pagmamahal sa pamamagitan ng mga materyal na bagay. Kadalasan, kapag mahal natin ang isang tao, ay binibigyan natin sila ng mga bagay o gamit na sa paningin natin ay makakapagpasaya sa kanila at masasabi nilang mahal nga nila tayo. Mas mataas ang halaga ng bagay na ibibigay, mas mataas ang pagmamahal na iniaalay. Pero sa mata ng pananampalataya, ang pagmamahal ay hindi lamang tungkol sa mga materyal na bagay na kaya at maaaring ibigay at tanggapin. Ipinapapaalala ngayon sa atin ni Jesus na ang pinakadakilang paraan ng pagmamahal ay ang pag-aalay ng sariling buhay. Ito ay ipinamalas sa atin ni Jesus nang kaniyang inialay ang kaniyang sarili sa krus upang tayo ay maligtas. Ang taong tunay na nagmamahal ay hindi takot na mawala ang kaniyang sariling buhay upang mabuhay ang iba. Ang taong nagmamahal ay kaibigan ang tingin sa kapwa at hindi isang alipin o kaaway. Ang taong nagmamahal ay handang magmahal na walang pagkiling. Handa ka bang magmahal tulad ng pagmamahal na ginawa at ipinakita ni Jesus para sa sanlibutan?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





