Ebanghelyo: Juan 15:18-21
Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na sa akin muna ito napoot bago sa inyo. Kung kayo’y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo. Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang lingkod na mas dakila sa kanyang panginoon.’ Di ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Gagawin nila sa inyo ang lahat ng ito dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.
Pagninilay
Hindi lahat ng nakarinig kay Jesus ay buong-buong tumanggap sa kaniya. Halo-halo ang mga naging reaksyon at iba-iba ang naging pagtanggap nila sa mga ginawang pagpapahayag at pagkilos ni Jesus. May mga bukas-loob at buong puso na tumaggap sa kaniya at mayroon din namang hindi matanggap ang kaniyang mga naging gawi sapagkat sarado ang kanilang puso at isipan. Sila nga ay napoot at inusig si Jesus. Bukod sa sa pagkakaiba ng pananaw at paniniwala, bakit nga ba kinapootan ng ibang mga tao si Jesus? Ito’y sapagkat nanatiling makamundo lamang ang kanilang naging pamantayan, samantalang si Jesus ay pamantayan ng kaharian ng langit ang gamit. Totoong tayo ay nasa mundo, ngunit huwag din nating kalilimutan na tayo ay hindi makamundo. Ang ating pamantayan ay hindi nalilimitahan sa kung paano tanggapin at tingnan ng mundo ang mga bagay-bagay, bagkus ay dapat nating isaalang-alang na tayo ay para sa kaharian ng langit. Tulad ng ginawa nila kay Jesus ay uusigin rin tayo ng mga taong makamundo. Gayun pa man, huwag nating pakakalimutan na tayo’y para sa kaharian ng langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





