Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan. Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay
Sa napipintong pagbabalik ni Jesus sa kaniyang Ama, marami siyang naging tagubulin para sa mga alagad. Pero, napagtanto rin ni Jesus na mukhang hindi na ito kayang tanggapin ng kaniyang mga alagad. Totoo na nakita at narinig ng mga alagad ang mga pangaral at gawi ni Jesus, pero ito’y hindi naging sapat kaya naman nagpatuloy siya sa pagbibilin sa kanila. Sa kabila nito, kampante si Jesus sapagkat batid niyang matatangap ng kaniyang mga alagad ang Espiritu ng Katotohan, ang Tagapagtanggol, upang magsilbing gabay at patuloy na magbigay sa kanila ng inspirasyon na maintindihan ang lahat ng tungkol kay Jesus kahit di na nila siya kasama pa. Ang espiritung ito ay si Jesus mismo, kaisa ng kaniyang Ama. Di man natin pisikal na kasama si Jesus, pero patuloy siyang nananahan sa bawat isa sa atin sapagkat kasama natin ang kaniyang espiritu. Iniwan nga ni Jesus sa atin ang Tagapagtanggol na patuloy na nagpapakilala sa Diyos ng katotohanan, at sa pamamagitan ng espiritung ito, ay patuloy natin na luluwalhatiin ang Dyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





