Ebanghelyo: Juan 15:9-17
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan. Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
“Hindi mo maaaring ibigay kung anong wala sa iyo.” Madalas natin itong marinig sa mga sitwasyon na kung saan ay may kailangan tayong ibigay, pero nababatid nating wala sa ating kakayahan o di kaya’y limitado lamang kung anong meron tayo. Ito rin aang ipinakita ni Jesus, hindi lamang sa kaniyang mga alagad, ngunit sa lahat ng nananalig sa kaniya. Ang lahat ng kaniyang ginagawa para sa sanlibutan, ito lahat ay nagmumula sa Ama. Nakaya ni Jesus na magmahal – kahit na sa pamantayan at paraang hindi basta kayang tanggapin sa kondisyun ng mundo. Ginawa ito ni Jesus dahil sa pag-ibig na kaniyang natanggap sa kaniyang Ama. Nagawa lahat ni Jesus ang lahat ng dapat niyang gawin sapagkat nariyan ang Ama. Sa pagmamahal ni Jesus sa sanlibutan ay kaniyang ibinibigay at ipinaparamdam ang presensya ng kaniyang Ama. Ang paraan ng kaniyang pagmamahal ay paraan ng pagmamahal ng kaniyang Ama. Ipinakita ni Jesus kung paano ba ang sumunod sa mga utos ng Ama, upang sa gayon ay manatili siya sa kaniyang piling. Ang kabuuan ni Jesus ay ang repleksyon din ng Diyos Ama, kaisa ng Banal na Espiritu. Ang iyong pagmamahal ba ay nagpapakita ng pakikiisa kay Jesus?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





