Ebanghelyo: Juan 16:20-23
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim. Naninimdim ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang tao ang isinilang sa mundo. Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa inyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.
Pagninilay
Sa likod bawat makapal at maitim na ulap na nagdadala ng malakas na ulan ay may isang magandang bahaghari na nagsasabing sisikat ulit ang araw. Sa ganitong paraan natin pwedeng ilarawan ang sinasabi ngayon ni Jesus sa ebanghelyo. Masakit ang bawat paglisan, hanggat maaari ay iniiwasan at dapat hindi sana pagdaanan. Masakit ang maiwan, mas matindi ang emosyon at hirap na kanilang nararamdaman kaysa sa nang-iwan, mas higit silang magdurusa. Batid ito ni Jesus. Gayun pa man, sa kaniyang pag-alis ay tatangis ang lahat pero sa kalauna’y ito’y magdadala rin ng kasiyahan sapagkat patuloy siyang mananahan sa bawat isa dahil sa presensya ng Banal na Espiritu. Ang pighati ay bahagi ng riyalidad ng buhay, normal itong nararamdaman at pinagdadaanan tulad ng saya. Ito’y hindi dapat iwasan, bagkus dapat ito’y yakapin. Tulad ng ibang nararamdaman ay nangungusap din ang Diyos maging sa kalungkutan, naroon din ang Diyos maging sa mga pagkakataon ng kalungkutan. Nagiging ganap ang ating kasiyahan pagkatapos nating maramdaman ang kalungkutan. Alam natin na kahit ano pa man ang mangyari, naririyan ang Diyos. Hindi lahat ay lungkot, may saya rin kahit sa kalungkutan dahil naroon ang Diyos, kaisa natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





