Ebanghelyo: Juan 16:23b-28
At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagangtalagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan. Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.
Pagninilay
Masarap sa pakiramdam, na pagkatapos nating humiling o humingi ay naibibigay ito sa atin. Mas lalong masarap ito sa pakiramdam kung ang taong magbibigay ng hinihiling natin ay hindi iba o sadyang malapit sa puso natin. Wala na ngang mas ikagagalak pa ang isang taong humihingi kung ang Diyos na siyang bukal ng lahat ng kabutihan ang magbigay nito. Ito’y tunay na hindi lamang siksik, liglig at umaapaw kundi nagmumula sa walang hanggang biyaya at pagpapala ng Diyos. Ang mga salita ni Jesus sa ebanghelyo ay nag-aanyaya na ang Diyos lang ay sapat na. Walang ibang makakasagot o makatutugon sa ating mga panalangin maliban sa Diyos. Naririnig niya ang lahat nating mga dasal at pagsamo. Ang imbitasyon sa atin ay maging tapat sa pananampalataya natin sa Diyos. Ang lahat ay posible dahil ang Diyos mismo ang unang nagmamahal sa atin. Hindi mahirap para sa Ama na ibigay ang ating mga panalangin sapagkat mahal niya tayo, at dahil naniniwala tayo kay Jesus ang kaniyang Bugtong na Anak. Walang ibang makakapagpaligaya sa atin kundi ang Diyos lamang sapagkat alam niya kung ano at kailan niya ibibigay ang mga bagay na isinasamo natin sa kanya. Ang Diyos ang tugon sa lahat ng ating mga dasal, nasa kaniya na ang lahat.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





