Ebanghelyo: Juan 17:1-11a
Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at nagsabi: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak upang maluwalhati ka ng Anak dahil ibinigay mo sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao upang bigyan niya ng buhay magpakailanman ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay magpakailanman: ang makilala ka, ang tanging totoong Diyos at si Jesucristong sinugo mo. Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang gawang bigay mo sa akin para trabahuhin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa aking katabi ang luwalhating meron ako sa tabi mo bago pa man nagkaroon ng mundo. Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ibinigay sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ibinigay, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayon, nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ibinigay mo sa akin. Totoo, ibinigay ko sa kanila ang mga pananalitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang totoong sa iyo ako galing at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin. Sila ang ipinapakiusap ko. Hindi ang mundo ang ipinapakiusap ko kundi ang mga ibinigay mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin.
Pagninilay
Sa ebanghelyo, kung susuriing mabuti ang nasambit ni Jesus na mga salita ay tila isang panalangin. Panalangin na nagmumula sa lubos na kagalakan, isang Panalangin ng Pasasalamat. Nagpasalamat si Jesus dahil sa maraming bagay, una na rito ay ang pasasalamat dahil sa kaganapan ng kaniyang misyon, na hindi lamang tungkol sa pagpapahayag ng paghahari ng kaharian kundi ang makilala ng mundo ang totoong Diyos at ang kaniyang Anak na sinugo, si Jesus. Sa pagkilalang ito makakamtan natin ang buhay na walang hanggan. Pero ang kakayahan ng tao na kilalanin ang Diyos ay isang grasya sapagkat itoy naganap dahil pa rin sa kagustuhan o kalooban ng Diyos. Ito ay isang grasya sapagkat ito’y nagmula sa Diyos, isang inisyatibo ng Diyos. Ang muling paalala sa atin na ang lahat ng mayroon at ano sa atin ay nagmula sa Diyos. Wala na ngang mas may kabuluhan pa sa buhay ng isang tao kung hindi ang tanggapin niya sa kaniyang buhay si Jesus. Hindi lamang pagsasakripisyo at pagmamahal ang kayang gawin ni Jesus para sa atin, kaya rin niya tayong ilapit at makiusap sa Ama para sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





