Ebanghelyo: Juan 6:35-40
Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindinghindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: nakita n’yo, at hindi naman kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”
Pagninilay
Ang pagpapakumbaba at ang paglilingkod ay dalawang atas na tugma sa kalooban ng Diyos para sa tao. Dahil dito, magkakaroon ng tunay na buhay at pagsasabuhay ang kaganapan ng tao sa mundo. Sa pagpapakumbaba, nagaganap ang totoong ugnayan ng tao sa bawa’t isa. Sa pagpapakababa rin nabubuwag ang pader ng pagkakanya-kanya. Kaya naman nauunawaan natin na ang pagpanaog ng Anak ng Diyos ay isang pagpapakumbaba ng Panginoon para mahikayat, madala at matipon ang mga tao upang maging isang sambayanang nanalig sa Diyos. Ito ang paglilingkod ng isang Diyos para sa katuparan ng kalooban ng isang mapagmahal na Diyos Ama. Ang pagpapakumbaba at ang paglilingkod ng Diyos ay para magkaroon ng buhay at lubos na kabuhayan ang buong sanlibutan. Kaya mahalaga na unawain natin sa kalaliman ng ating kalooban na hindi tayo tunay na makapaglilingkod sa kapwa kung ang kalooban natin ay di natututong magpakumbaba. Ang totoong pag-aalagad na ayon sa kalooban ng Ama ay nagmumula sa taos-pusong pagpapakumbaba. Sa ganitong pagsunod tayo tunay na nakikibahagi sa Tinapay ng Buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





