Ebanghelyo: Juan 6:52-59
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.” Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Pagninilay
Isang kaugalian nating mga Pilipino ay ang magpakain at mag-imbita sa iba tuwing may handaan. Ang makibahagi sa pagkaing inihanda ay isang pamamaraan ng pagpapakita ng ugnayan ng maybahay sa kanyang mga panauhin. Kung ikaw ay matagal nang may relasyon sa may-ari ng tahanan, ang handaan o kainan ay mas napapalalim ang ugnayan sa isa’t isa. At kung ikaw naman ay baguhan, ang kainan at ang pagkain o pakikisalo sa pagkaing nakahain sa mesa ay pagpapakita ng bukas na pagtanggap sa iyo sa buhay ng maybahay at paggalang sa katauhan ng inimbitahan na nakikiisa sa pagdiriwang na ginaganap. Pero sa diwa’t isip ng ating Panginoon, hindi lang ang pagkain ang kaniyang ibinibigay sa atin at hindi lang niya nais na tayo’y makibahagi sa pagdiriwang na ginaganap, bagkus nais niyang mas mapalalim pa ang ugnayan natin sa kaniya at maranasan natin ng lubos na makibahagi sa pagtanggap sa kaniyang banal na katawan at dugo. Ninanais niyang siya ay mabuhay sa kalooban natin at tayo’y mabigyang buhay sa puso niya. Nang sa gayon, isang mahigpit at malaman na pakikipagkaisa at makabuluhang ugnayan ang mabubuo ayon sa
kalooban ng Ama.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





