Ebanghelyo: Juan 10:22-30
Piyesta ng Pagtatalaga sa Jerusalem, taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang lantaran.” Sinagot sila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Nagpapatunay tungkol sa akin ang mga gawang tinatrabaho ko sa ngalan ng aking Ama. Ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama.”
Pagninilay
Madalas, tayo’y mga taong punong-puno ng garbo na kailangan talaga nating mailahad, maipahayag, malathala, maisigaw, at maipagyabang ang sarili natin sa buong mundo. Paano tayo ilalarawan sa buong sanlibutan? … Tayo ay mga taong maraming sinasabi. Napakaraming opinyon na lumalabas sa ating mga bibig, ngunit kulang na kulang sa kabig ng kilos o gawa! Buti pa kaya’y lagyan natin ng preno ang ating mga salita at pangungusap. Tumahimik at manahimik! Bigyang buhay natin ang nais nating ipahayag sa salita sa pamamagitan ng kilos o gawa na gumagabay at masasandigan ng kapwa, lalo na nang buong kapatiran sa pananampalataya. Unawain natin ang mga itinuturo ng Mabuting Pastol sa atin. Hindi lang para sa kaligtasan natin, bagkus mga aralin ng buhay na gagabay sa pang araw araw nating pamumuhay. Marami ring sinasabi ang Panginoon pero ito’y binibigyan niya ng kulay at buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa na puno ng malasakit at pagmamahal. Ang mga gawa at pagkilos natin sa ngalan ng Maarugaing Diyos ang patunay ng pagkalinga ni Jesus, na siyang salamin din ng pagkalinga natin sa isa’t isa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





