Ebanghelyo: Juan 5:17-30
Sumagot naman si Jesus sa kanila: “Gumagawa pa rin ang aking Ama kaya gumagawa rin ako.” Kaya lalo pang hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga gawa ang ituturo niya kayat mamamangha kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay; gayundin naman binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hinding-hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman kundi ibinigay niya sa Anak ang buong paghatol at pararangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagpadala sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay magpakailanman ang nakikinig sa aking salita at naniniwala sa nagpadala sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman, ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom sapagkat anak siya ng tao. Huwag n’yo na itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at magsisilabas sila: sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa sariling kusa. Ayon sa naririnig ko ako naghuhukom. At matuwid ang paghuhukom ko dahil hindi sariling kalooban ang hangad ko kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Jesus ang kaniyang layunin dito sa mundo: “Ang layunin ko ay hindi gawin ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin”. Si Jesus ay Anak ng Ama kaya naman mula sa Ama ang kaniyang kalooban. Ang kaloobang iyon ay ang makatagpo ng buhay na walang hanggan ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus. Kung maaalala natin, noong pinalayas ng Ama sina Adan at Eba sa hardin ng Eden, batid natin na ang naging bunga ng kanilang pagkain sa ipinagbabawal na bunga ay ang kasalanan, ang pagkakaroon ng sakit at pagdurusa, at ang kamatayan. Nais ni Jesus na ibalik tayo sa unang estado na kung saan hindi tayo nakararanas ng mga ito, kaya naman naparito Siya upang ibalik tayo sa piling ng Diyos. Gaya ng sinabi sa ebanghelyo ang kalooban ng Diyos ay ang magkaroon tayo ng buhay. Kaya naman, inaanyayahan tayo ni Jesus na magkaroon ng ganap na pagkakasundo sa kaniya, gaya kung paano ang ugnayan ni Jesus sa kaniyang Ama. Ang hangad natin ay kung ano ang nais ni Jesus, gawin kung ano ang ginagawa ni Jesus, upang tayo’y maging presensiya Niya sa iba, at gaya ni Jesus na presensiya ng Ama sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





