Ebanghelyo: Juan 14:1-6 (o Mateo 13:54-58)
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Pagninialy
Madalas natin sabihin na ang buhay ay walang kasiguruhan. Ngayon tayo’y masaya, bukas kalungkutan naman ang nararamdaman natin. Ngayon ay ipinagbubunyi natin ang buhay at bukas nagluluksa ng dahil sa kamatayan. Walang katiyakan ang buhay, ang tanging natitiyak lamang natin ay ang mga pagbabagong maaaring mangyari. Ito ang pananaw ng mundo, pero sa mata ng pananampalataya may isang sigurado. Ang mga salita ni Jesus sa ebanghelyo, sa Kapistahan ni San Jose Manggagawa, ay mga salitang nagbibigay katiyakan na sa mundong ating ginagalawan ay may Diyos na mapagmahal at maawain. Tinitiyak sa atin ni Jesus ang kaniyang kagustuhan na makasama tayo sa buhay na walang hanggan, kaya naman naghanda siya ng isang lugar para sa ating lahat. Isang lugar na kung saan hindi lamang natin mararanasan ang kabutihan ng Diyos, kundi makikiisa rin tayo sa kaniyang kaluwalhatian. Ito ang ating pag-asa, ito ang kasiguruhan para sa bawat isa sa atin: may Diyos na nais tayong makasama at naghahanda ng daan patungo sa kaniya.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





