Ebanghelyo: Juan 14:21-26
Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.” Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipamamalas ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya kami gagawa ng silid para sa aming sarili. Hindi naman isinasakatuparan ng hindi nagmamahal sa akin ang aking mga salita. At hindi sa akin ang salitang naririnig n’yo kundi sa Amang nagpadala sa akin. Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang namamalagi pa akong kasama ninyo. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat – ang Espiritu Santong ipadadala ng ama sa ngalan ko – at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay nagbibigay at nag-aanyaya na sa pagmamahal natin sa Diyos ay kinakailangan nating sundin at tuparin ang kanyang mga utos. Kung babalikan natin ang naging buhay ni Jesus, kapansin-pansin na ito’y hindi lamang umikot sa pangangaral tungkol sa kaharian ng langit. Ito rin ay nagpapaalala sa atin sa kahalagahan ng pagsunod at pagtupad sa mga bilin at atas ng Ama. Ipinapakita rin ni Jesus ang kaniyang sarili at presensya sa mga kautusang ating tinutupad. Mahalagang makita natin ang dahilan kung bakit kailangan nating sundin ang mga utos. Ito’y sapagkat nangungusap rin ang Diyos maging sa mga utos na ating tinutupad. Naroroon ang Diyos sa bawat letra at espiritu ng utos na ating sinusunod. Sa kabila ng mga pagkakataon na hindi natin maunawaan ang mga kadahilanan kung bakit kailangan nating sumunod, tayo’y patuloy na inaanyayahan na manalig at magtiwala sa Banal na Espiritu. Siya ang gagabay sa atin upang sa gayon ay makasunod tayo sa utos ng ating Panginoong Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





