Ebanghelyo: Lucas 10:13-16
“Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!
“Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang ditumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin. At ang ditumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin.”
Pagninilay
Ang mga tao ng Chorazin at Bethsaida ay tumanggi sa Panginoon. Sa makatuwid itinakwil nila ang Diyos! Masama ang loob ni Jesus sa mga tao dahil sa hindi nila pagkilala sa kanya at pakikinig sa kanyang mga salita sa pamamagitan ng kanyang mga alagad. Tinanggihan nila siya at ang kanyang mensahe. Sa maraming paraan si Jesus ay ‘nagsasalita’ pa rin sa atin – sa ordinaryong pagmamaraan, sa hamon at mga kaganapan sa ngayon. Sino ang pinakikinggan mo? Kanino ka ba nakikinig? Sino ang susundin mo? Ano ang nangyayari sa atin kapag itinakwil natin ang Diyos sa ating buhay? Ang paglaan ng oras araw araw upang manalangin ay lumilikha sa kalooban ng puwang para sa Panginoon upang marinig natin ang tawag niya at madama ang kanyang pag-ibig para sa atin at upang ipamalas din natin ito sa ibang tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021