Ebanghelyo: Juan 12:44-50
Malakas namang sinabi ni Jesus: “Ang nananalig sa aki’y hindi sa akin kundi sa nagpadala sa akin. Ang pumapansin sa aki’y pumapansin sa nagpadala sa akin. Dumating ako na liwanag sa mundo upang hindi mamalagi sa dilim ang bawat nananalig sa akin. Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iniingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya sapagkat dumadating ako hindi para hatulan ang mundo kundi para iligtas ang mundo. May humahatol sa bumabale-wala sa akin at di tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang salitang ipinangusap ko ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili ko; ang nagpadala sa akin – ang Ama – siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at ipangungusap. Alam kong buhay magpakailanman ang kanyang utos. Kaya ang ipinangungusap ko’y ipinangungusap ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.
Pagninilay
Alam ng mga tupa na kapag inabot na ng dilim at sila’y nasa pastulang pinagdalhan sa kanila, ang Pastol ay nagsisindi ng ilawan. Ito naman ay naaanigan at nakikita ng mga tupa na nakapagbibigay sa kanila ng seguridad. Ang ilawan ay nagbibigay ng Liwanag sa pastulan at hindi kailanman sila mananatili sa kadiliman. Ang tupa ay tunay na laging nananalig sa kanilang Mabuting Pastol. Unawain natin ang karanasan natin sa mundo at ang daloy ng buhay natin bilang mga tupa ng Panginoon. Hindi kailanman didilim ang mundo kung ang kalooban ng bawat tao ay magniningas din gaya ng ilawan at magbibigay ng liwanag. Kung ang puso natin ay bukas at mapagkumbaba at handang tanggapin ang presensya ng Mabuting Pastol sa buhay at karanasan natin, magniningas ang kalooban ng bawat tao at ito’y magbibigay ng liwanag ng buhay at pag-asa sa mundo nating binalot ng kadiliman dulot ng ating mga kakulangan at kasalanan. Ngunit kung kakapit tayo sa Panginoon, ang Pastol ng Buhay, at hahayaan ang kaniyang presensya na manatili sa buhay natin upang sindihan ang ilawan ng puso natin, tayo rin ay magbibigay ng liwanag sa mundo.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





